Bago ang lahat: Hindi ako mahilig mag-saliksik ukol sa isang libro bago ko ito basahin, kaya nagulat na lamang ako nang malaman ko na hindi pala nobela ang librong ito, kung hindi ay koleksyon ng tatlong dula / screenplay. (Aksyon / horror /drama — o yun nga lang ba?)
Babala: Sa aking palagay, nangangailangan ng mambabasa ng konting pag-iisip, at konting pagkakaintindi sa larangan ng industriyang panlibangan, para tunay na maunawaan at mabigyang-halaga ang mga dulang ito. Patnubay ng magulang ay maaaring kailanganin. Huwag din lamang kalimutang isuot ang 3D Glasses.
[Dahil sa patuloy na pag-aaral at pag-hahasa ng kaalaman ko sa araling panlipunan, ako’y lubos na natuwa (at lubos ding nadismaya) sa mga eksenang ipinalabas sa librong ito.]
Nakakatawa (para sa akin) ang simpleng pag-lalahad ng mga bida(?) at kontrabida(?) ng kanya-kanyang kwento ang totoong kalagayan ng sitwasyon ng kasalukuyang (2012!) estado ng pamPilipinong sine at panitikan (at iba pang porma ng sining). Kalunus-lunos man ang katotohanan, ako’y humalakhak pa rin sa pag-ganap at pag-arte (ng walang ka-workshop-workshop!) ng mga tauhang ito nang ayon sa kanilang parte: cliche’, madaling mahulaan, gamit na gamit na personalidad. [Magsama kayo ng palitaw mo sa impyerno!]
Ngunit hindi lamang ang mapapanood natin sa telebisyon o makikita sa sine ang tila binabatikos sa mga dulang ito. Narito rin ang paglalarawan ng pang-araw-araw na (kung tutuusin nga naman) buhay ng karaniwang Pinoy – ang pag-pila para makasali sa sikat na variety show, ang pagiging call center agent, ang Facebook / Twitter / Angry Birds, ang nakakalat na basura sa tabi-tabi, ang pinakapangit na paliparan sa buong mundo. Sa isang libro, natalakay ang lahat ng ito (at marami pang ibang paksa!), at (para sa akin) sa isang kakatwang paraan pa!
Para sa akin, ang sarap talaga nitong basahin. Ito’y hindi lamang dahil sa paraan ng panunulat, kung hindi ay para rin sa maraming palaisipan na ansarap (at o kay pait) na namnamin.
Goojab!
PS: Ang ikalawang screenplay rito ay hindi ko lubos na nagustuhan, bagaman kawiliwili rin naman nitong basahin. Totoo, may mga malalim na paksa rin dito, pero tila hindi masyadong nagningning (para sa akin) ang mga tauhan dito, at mas nagmukha siyang diskurso kaysa sa isang pag-kukwento.
Lumayo Ka Nga Sa Akin by Bob Ong
My rating: 4 of 5 stars